Mga gago, tanga, bobo at may koneksiyon nga ba sa anumang teroristang grupo ang mga artista at ang di mahilig umanib sa tinaguriang "DDS" at "Dilawan" na uri ng kulay pulitika na sumasalungat sa partikular na probisyon na nakapaloob sa bagong-mungkahing batas?
Hindi po ito sa pagmamarunong dahil hindi naman po ako graduate ng abogasya, pero ano na lang ang saysay ng web news na mapagkukuhanan ng komprehensibong interpretasyon mula sa mga ekspertong abogado.
Bagamat English ang mapagkukunan, ay kelangang pagtiyagaang isalin sa Filipino para maibahagi at maunawaan ng ordinaryong mamamayan na hindi nakakaunawa ng English.
Ano na lang ang gamit ng pinag-aralan kung sasarilinin ko lang naman? Dahil naniniwala ako higit sa lahat na "Ang pananahimik sa harap ng mali ay mali; tayo'y may pananagutan sa Panginoong Diyos sa pananahimik. Ang hindi pag-imik ay pag-imik na rin. Ang hindi pag-aksiyon ay pag-aksiyon na rin." Laban ako sa anumang bayolenteng pamamaraan, na kagaya ng ginawa ni Jose Rizal, naniniwala akong hindi solusyon ang anumang bayolenteng aksiyon sa anumang hinaing. Kahit ang Panginoong Hesus ay tinubos tayo a pagkakasala hindi sa bayolenteng paraan kundi sa paghubad ng Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng kamatayan sa Krus kaysa ang wakasan tayo.
Ang adbokasiyang ito ay hindi ko naman pagkakakitaan pero mas matimbang sa akin ang bilin ng Panginoong Diyos na "Ang tao'y hindi nabubuhay para sa sarili lamang" (Romans 14:7).
Tama ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang terorismo ay deadly and dastardly crime (mapanganib at kasumpa-sumpang krimen) dahil ito'y walang respeto sa anumang bansa, lahi, relihiyon, at ideolohiya,[1] na sadya namang tuloy na nanalasa ng maraming inosenteng buhay sa Mindanao, magmula nang ako"y bata pa hanggang sa termino ngayon ng Pangulong Duterte. Pero sa pangkalahatan, ang intellectual insight niya ba ay nababalot at the same time ng puso at konsensya, dahil isipin natin na ang kabuuan ng ating pagkatao ay hindi lamang isip kundi puso at konsensiya rin.
Sinasabi na itong mga kritiko daw ng Anti-Terrorism Bill (correction, not the entire bill but some provisions) ay ipinagpipilitan ang kinakatakutang multo nito na pagbusal sa mga bibig ng mga kritiko at human rights activists, at para sindakin tungo sa malagim na katahimikan sa pamamagitan ng nakakasindak na matagalang detensiyon. Ganito nga lamang kaya talaga ang punut-dulo?
Suriin natin para mas makapanimbang tayo:[2]
1. Sa depenisyon ng terror (malaking takot), pakapansinin na may kaparasuhan na sa ganitong krimen sa lumang batas at ang bagong-mungkahing batas.
Sa 2007 Human Security Act, kung ang krimeng ito ay isinakatuparan para maghasik ng takot at kaguluhan, may kaparusahan ito ng 40 na taong pagkakulong na walang parole.
Idinagdag sa 2020 Anti Terror Bill ang kwalipikasyon sa krimen ang habang-buhay na pagkabilanggo ng walang benepisyong, maging parole man o Good Conduct Time Allowance (na ipinagkakaloob sa preso kapag siya'y kinakitaan ng progreso ng mabuting asal sa loob ng kulungan) [3] kapag ang krimen ay isinakatuparan para takutin ang publiko o kaya'y malubha nilang ginulo ang katatagan o sinira ang importanteng pulitika, ekonomiya, o mga establisimyento ng bansa.
Pinaparusahan at hindi ipinapahintulot sa ilalim ng 2020 Anti-Terror Bill ang legal na aktibidad at gawaing kalayaan sa pagpapahayag at pakikibahagi sa anumang uri o plataporma, sa loob o labas man ng bansa; yan ay dahil sa malalim (vague) nitong sugnay (clause). Aba, mawawalan pala ng kalayaan ang sinumang may puso at konsensya sa pagiging kritiko na naninidigan laban sa imoral, dungis pampulitika kung ganun.
Dinidepensahan ng administrasyon ang mungkahing batas na ito sa pagsasabing meron itong proteksiyon sa ilalim ng Section 4 na nagsasabing: "Sa kondisyon, na, ang terorismo na binigyan ng kahulugan sa seksiyong ito, ay hindi kasama ang adbokasiya, protesta, hindi pagkakasundo, pagpigil ng manggagawa, pang-industriya o malawakang aksiyon o sibil at karapatang pampulitika, na hindi intensyong isinagawa para magdulot ng pagkakitil ng buhay o seryosong pisikal na pinsala sa tao, maglagay sa alanganin sa buhay ng tao, o magdulot ng malubhang panganib sa pampublikong kaligtasan."
Ngunit merong babala sa huling bahagi ng sugnay na nagsasabi na ang hindi pagkakasundo ay saklaw kung ito ay magdudulot ng malubhang panganib sa pampublikong kaayusan. Sa kontekstong ito, pakatandaan na ginamit ng gobyernong ito ang bira ng mga guro sa Facebook tungkol sa pandemya [4], bilang mga legal na batayan para kasuhan sila ng pag-uudyok ng sedisyon. Kung ganun, potensiyal pala ang sinuman na ang adbokasiya ay pagpuna sa mga maling aksiyong pampulitika o relihiyon, sa loob at labas ng bansa man, na magkaroon ng kasong sedisyon kapag naaprubahan na ito. Anupa't binigyan tayo ng maluwag na kalayaan ng Panginoong Diyos lahat, kung kapwa tao lang din naman ang susupil nito. Tamang sundin ang batas-tao ngunit ito'y hindi dapat lumagpas at humantong sa panunupil.
Ang panganib dito ay nakasalalay kung paano ang intepretasyon ng gobyerno sa mga lehitimong aksyon o oposisyon sa loob ng depinisyong ito - ito'y nagpapapahintulot sa gobyerno ng halos malayang pagtukoy kung sino ang mga pinagsususpetsahang terorista. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan na nagpapahayag ng kanilang hinaing laban sa gobyerno sa social media ay maaaring pumaloob sa puntong ito. Kaya ang sinasabi ni Atty. Panelo na ang anti-terrorism bill na ito ay naaayon sa direktiba ng konstitusyon at hangaring maipatupad ang unang-unang tungkulin ng pamahalaan na pagsilbihan at proteksiyunan ang mamamayan sa ilalim ng Section 4, Article II, ng Konstitusyon ay malayong mangyari.
Kaya walang sinuman ang may karapatan na sabihan ang mga tumututol sa mga partikular na probisyong (again hindi buong batas kundi partikular na probisyon) ito na tanga, gago, o konektado sa terorismo dahil ang pinapangalagaan dito ay seguridad ng bawat isa lalung-lalo na ang mga ordinaryong mamamayang kagaya ko at ang buong pamilya ko, dahil ayaw kong basta na lang ako at sinuman sa aking mga mahal sa buhay ang hablutin na lang ng basta sa aming tahanan o pampublikong lugar dahil sa pagpapahayag lang ng aming kritikal na pananaw tungkol sa dungis ng lipunan, pulitika o relihiyon.
Tama na isaalang-alang ang seguridad ng mamamayan at ng bansa, ngunit tayo mismo ay saksi sa mga balita sa mainstream media at social network tungkol sa mga abuso sa hanay ng kapulisan. Pano pa kaya sila makokontrol sa mas malalim pang abuso at "terorismo mismo," sa hanay ng kapulisan sa ganitong kaluwag na limitasyon?
Kaya yung sinasabi ni Atty. Panelo na ang adbokasiyang ito ng tumututol ay isang kasinungalingan, ay malayo sa katotohanan. Paanong magiging kasinungalingan ang kahilingang linawin ang mga probisyong di-tiyak (hindi specific) - na siyang magpapahamak kahit sa simpleng mamamayan?
2. Pag-uudyok, pagpaplano, pagsasanay, paghahanda at pangangasiwa ng terorismo
Idinagdag sa bagong mungkahing batas bilang mga krimen ang pananakot, pagpaplano, pagsasanay, pangangasiwa, pagmumungkahi at pag-uudyok ng terorismo, at maging ang pangangalap ng kasapi sa organisasyon ng terorismo, karugtong ng sabwatan ng pagsasakatuparan ng terorismo.
Napakadali sa adminstrasyon ang pag-usig sa mga napupusuan nilang mga kritiko. Dahil mismong si Ginoong Chel Diokno, presidente ng Free Legal Assistance Group (FLAG), ay inakusahan ng pag-uudyok ng sedisyon, ngunit napatunayan sa bandang huli na walang basehan. Sa ganitong sitwasyon, ay maaari ring akusahan ang mga kritiko ng nag-uudyok ng terorismo kahit walang basehan. Papayag na lang ba kaming mga mahihirap na mamayan na basta na lang damputin sa pampubliko at sarili naming tahanan, na ang basehan ay sariling interpretasyon sa "vague/di-tiyak na pahayag ng batas" ng nandadampot kaysa "tumbok na sinasaad ng batas?"
Nang dahil may kaparusahan ang pag-udyok ng terorismo, kasama ang mga talumpati, mga proklamasyon, mga panulat, mga simbolo, at mga banner, ipinapakahulugan lang nito na nagalaw ang mga importanteng pangkonstiyusyong karapatan.
Ang Section 9 at ang mga bahagi ng Section 10 ay konektado ang nilalaman, na nagpapahintulot sa vague/di tiyak sa batas, na ibig sabihin ay maaaring kwestyunin ito ng di na kailangang maghintay pa para sa aktwal na perwisyos na mangyayari sa petitioner.
Bilang pangkalahatang panuntunan, sakop ng kapahintulutang ito ang mga kaso ng kalayaan sa pagpapahayag.
3. Pag-aresto at pagkulong ng walang warrant ng hukuman
Ang luma at bagong-mungkahing batas ay nagpapahintulot sa pag-aresto at pagkulong sa mga suspek ng terorismo sa pamamagitan ng Anti-Terror Council (ATC).
Sa bagong mungkahing bata , ang Anti-Terror Council (ATC) ay isasagawa ng matataas na opisyal ng kabinete. Ibig sabihin, hindi na nila kailangang kumuha pa ng warrant mula sa korte para gawin ito.
May mga grupong sinubukang hamunin ang Section 18 ng lumang batas noon sa paglabag ng due process at universal human and civil rights.
Ngunit may dalawang malaking pagkakaiba ang lumang batas at bagong iminumungkahing batas.
Una, ipinapahintulot lamang ng lumang batas ang isang awtorisadong ATC na pag-aresto at pagkadetene kung ito'y resulta ng "surveillance/pagmamatyag sa ilalim ng Section 7 at pagsuri ng mga deposito sa bangko sa ilalim ng Section 27 ng Batas na ito."
Ang pagkakaiba, ang bagong Anti-Terror Law ay walang ganitong limitasyon. Ang limitasyong ito sa ilalim ng 2007 Human Security Act ay kawangis ng krimeng nagawa sa presensiya ng police officer, kung saan ay ipinapahintulot ang pag-aresto ng walang warrant.
Ibig sabihin, na sa lumang batas, ang pag-aresto ng walang warrant bunsod ng pagmamatyag ay pumapailalim sa isa sa mga tatlong (3) elemento ng isang may bisang pag-aresto na walang warrant, kung saan, ay naaktuhan. Kung ang isang tao ay minatyagan, masasabi ng tagapagtupad (agent) na ang taong ito ay naaktuhan.
Ang bagong iminumungkahing batas ay walang ganung limitasyon, na naghahagis ng mas malapad na lambat sa kung sino ang maaaring arestuhin ng walang warrant.
Pangalawa, sinasabi ng lumang batas na dapat dalhin ng mga tagalagpatupad ng batas ang suspek sa korte sa loob ng tatlong (3) araw. Sa bagong mungkahing batas ay tukoy na sa pinakamataas na labing-apat (14) na pinalawig ng karagdagang sampung (10) araw na nasa kustodiya ang suspek, na nasa dalawamput-apat na araw sa kabuuan.
Ipinapahintulot nito ang pinalawig na pagkadetene na higit sa sinasabi ng Konstitusyon na nagsasabing nasa pinakamataas na tatlong (3) araw lamang at para lamang sa tukoy na mga kaso kagaya ng rebellion at paglusob.
Tumutukoy ito sa Section 18, Article VII ng Konstitusyon na nagtatalaga ng suspensiyon ng pribelehiyo ng writ of habeas corpus (ang pagdala ng isang nadetine sa korte at magpakita ng balid na rason para sa pagkadetene ng naturan) kapag idineklara ang martial law.
Sa pagkakataong sinuspinde ang pribelihiyo nitong writ, sinuman kung gayon na arestado at ikukulong ay kakasuhan sa loob ng tatlong (3) araw, kung hindi naman ay pakakawalan siya, sabi ng Konstitusyon.
Pakaisipin na lang na ang pag-aresto ay hindi utos ng korte, ngunit utos (na nakasulat para panigurado sa atin) ng Anti-Terrorism Council (ATC) na siyang tinokahan para sa implementasyon ng Anti-Terrorism Act. Ang ATC ay binunubuo ng executive secretary, national security adviser, secretaries of foreign affairs, defense, justice, finance, local government, information and communications technology, at ang executive director ng Anti-Money Laundering Council. Ang secretariat ay National Intelligence Coordinating Agency. Ang mga ehekutibong ito, o ang kanilang representante, ang siyang nag-aproba ng detention of the “terrorists.”
At ang mga madedetene ay nasa kustodiya ng hanggang 24 oras bago sila magsampa ng kaso - na ATC ang tanging imprimatur, hindi ng kung sino mang hukom.
Bagamat taas-noo si Atty. Panelo na may mga may kasanayan sa pagtimbamg ng probable cause ang lupon na ito. Ano naman ang saysay nito sa pinagdaanang trauma, sakit sa kalooban, pangamba, kawalan ng kita puwera pa ang danyos perwisyos na hindi saklaw sa pananangutan ng gobyerno? Ano ito, pinaglaruan niyo lang ang pagkatao ng indibidwal?
Sa pinakasentro nito, pakiramdam ng mga supusuporta ng mungkahing batas na ito (Lacson, Año, at Lorenzana - pawang ex-military/police) na ito ang kailangan para sugpuin ang terorismo. Ngunit sa kasamaang-palad, ipinapalagay nila na sinumang kanilang idedetene ay tunay ngang mga terorista. Ang pruwebang susuporta sa palagay na yan ay magmumula sa pananatili sa detensiyon ng mga ito. At saka lang sila tutungo ng korte para magsampa ng kaso kung may nakalap na silang ebidensiya. [5]
4. Nangungunang ipinagbabawal sa terorismo
Sa lumang batas, kailangan ng korte ang magsagawa ng buong paglilitis bago ideklarang terorista ang sinuman.
Sa bagong mungkahing batas ay may kapahintulutan ang korte na ideklara ang nangngunang mga grupo bilang mga terorista kahit na walang pagdinig.
Ang paunang deklarasyon ay lilitaw ng mabilisan ng 72 oras.
Gamit ang 2007 Human Security Act, sinubukan ng Department of Justice (DOJ) noong 2018 ang ideklara bilang mga terorista ang 649 katao, kasama ang Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman na si Jose Maria Sison. Isinama rin ng D.O.J. si United Nations Special Rapporteur Victoria Tauli-Corpuz at former Bayan Muna representative Satur Ocampo, at daaning iba pang mga ordinaryong mamamayan.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa nakapaglabas ng desisyon at tinapyas samaktwid ng D.O.J.ang listahang ito ng walo lamang. Ang mga taong nakapetisyon ay nananatiling hindi pwedeng galawin hanggang tuloy ang pagbabawal na ito.
Sa bagong mungkahing batas, kung may makitang bagong probable cause at makitang ang petisyon ay supisyente sa porma at sangkap sa loob ng 72 oras, ito'y pwedeng mag-isyu ng order of proscription, ibig sabihin pwedeng agarang ideklara ang indibidwal/grupo bilang mga terorista.
Ibig sabihin nito na pwedeng agarang tatakan bilang terorista ng gobyerno, na hindi na kelangan ng taong ito ang oportunidad para salungatin o magpresenta ng kasalungat na ebidensiya. Kung kayat, ang tao'y maaaring maaresto sa pagiging miyembro ng isang organisasyon na idineklara na nilang terorista.
5. Pinalawig at pinalalim na pagmamatyag
Bagamat parehong ipinapahintulot ang pagmamatyag hindi lamang ang mga deklaradong terorista ng husgado, kundi pati ang mga pinagsususpetsahang mga terorista, dahil idinagdag ng bagong mungkahing batas ang maraming mga bagong krimen, maraming tao ang mapapailalim sa pagmamatyag. Kasama dito ang suspek ng pagbabanta, pagpaplano, ensayo, pagsagawa, pagmungkahi at pag-udyok mg terorismo - di kagaya ng lumang batas kung saan ang mga pinaghihinalaang terorista at kasabwat ay sasailim sa pagmamatyag.
Ang lumang batas ay mayroon ding bigay na 30 araw na limitasyon mula sa atas ng korte para magsagawa ng pagmamatyag, samantalang ang mungkahing bago ay nagpapahintulot ng pinakamataas na 60 araw.
Ang pangkalahatang tono ng mungkahing bago ay sumusuporta sa sekretong pagmamatyag - kailangang ipinapaalam ito sa korte ang ganitong pagmamatyag, ngunit sa pag-file pa lamang ng akusasyon sa prosecutor. Sa madaling salita, ang mga sumasailalim ng pagmamatyag at mga suspek ay naikulong na bago pa nila malaman ang gagawing aksiyon laban sa kanila.
6. Paghihigpit sa biyahe
Sa lumang batas, paghihigpitan ng gobyerno ang kilusan ng suspek sa loob lamang ng munisipalidad o siyudad o tirahan niya, kung natukoy ng korte na ang kasalanan ay hindi malakas at ang suspek ay maaaring magpiyansa. Ibig sabihin na ang paghihigpit ay pwede lamang gamitin kapag ang suspek ay kinasuhan sa korte.
Sa bagong mungkahing batas, pwedeng higpitan ng gobyerno ang pagbiyahe kung ang suspek ay hindi pa naihahabla. Ito ay sa pamamagitan ng aplikasyon ng isang Precautionary Hold Departure Order (PHDO) na haharang sa isang suspek sa pag-alis ng bansa.
Ang PHDO ay isang bagong panuntunan ng Supreme Court na nagpapahintulot ng isang Hold Departure Order (HDO) kahit na ang reklamo ay hindi pa umaabot ng korte. Ang HDOs ay kalimitang iniisyu lamang ng mga korte, ngunit merong mga pagkakataon na, sa panahong umabot na ang kaso sa korte, ang suspek ay nakatakas na.
Ang bagong mungkahing batas ay tinanggal ang mga paghihigpit sa napawalang-sala. Sa lumang batas, ang taong napawalang-sala ay may karapatan sa danyos perwisyos, ngunit hindi ganito sa bagong mungkahing batas.
Binura ang probisyong ito sa 2020 Anti-Terror Bill. Hindi nito pinagmumulta ang malisyosong pagkuha ng awtoridad mula sa mga korte para sa pagmamatyag, o pagtangging ibalik o antalahin ang pagbalik ng kinuha, sinikwester at hinarang na mga deposito sa bangko, at hindi rin ito nagkakaloob ng kabayaran sa mga napagkamalan at maling naakasuhan ng terorismo na pimagmumulta ng Php500,000 para sa araw-araw na pagkadetene sa ilalim ng anti-terror law.
Ano itong iminumungkahing bago, okay lang na naipahiya, na-trauma, nagsayang ng panahon, nabuo ang galit sa puso, bumaba ang self-esteem ng tao? Maituturing bang patas ito o nagbubulag-bulagan ang mga may-akda nito?
7. Wala ng mahal na danyos perwisyos sa mapapawalang-sala
Wala na sa bagong mungkahing batas ang sugnay na naglalayon na dapat bayaran ng gobyerno ang mataas na danyos perwisyos ang suspek kapag siya ay napawalang-sala.
Sa ilalim ng lumang batas, nakasaad sa Section 41 na ang taong nilitis para sa terorismo, ngunit ay napawalang-sala, ay babayaran ng P500,000 para sa kada araw na kinuha ang kanyang mga ari-arian. Ito'y ipapasagot sa tagapagpatupad ng batas. Ang Section na ito ang dahilan kung bakit ang mga reklamo at prosekusyon sa ilalim ng 2007 Human Security ay kakaunti.
Ano itong bagong mungkahi, protektodo ang nansususpetsa pero kibit-balikat lang sa potensiyal na inosente?
Konklusyon:
Makatwiran lamang na ang sinumang nagbanta, nag-udyok, nakipagsabwatan, o nagplanong udyukan ang ibang tao para gawin ang terorismo, dahil banta ito sa seguridad ng mamamayan, bawat pamilya, industriya at gobyerno, pero por diyos por santo tukuyin kung ano ba ang napapaloob "partikular" sa banta o udyok. Dahil kung ang iiral ay sariling interpretasyon lamang ng kapulisan, ay siguradong lahat ng mga tao lalo na ang mga kabataan na magpo-post ng mga kantyawan sa Facebook ng may koneksiyon dito dala ng kababawan pa ng kanilang pag-iisip, pero wala namang sapat na lakas, impluwensiya, pera, para gawin ang terorismo, aba, madali ang maghusga ng "inciting to sedition (pag-uudyok ng paghihimagsik).
Hindi problema ang pagkakaroon ng batas dahil layon din ng bawat pamilya ang mapayapang buhay na walang kinatatakutang terorismo, kung ito'y kontrolado ng gobyerno, pero layon din namin na ang batas ay walang butas na maaaring ikapahamak ng bawat pamilya sa bandang huli.
Maaaring maiksi ang 14 na araw na pagkadetene sa sinuman sa bawat pamilya pagkatapos mapagsuspetsahan sa simpleng post lang ng sinumang miyembro ng mamamayan sa Facebook tungkol sa pagkalampag sa mga abusadong opisyal ng gobyerno hango sa reperensiyang makukuha sa mga websites ng mainstream media, ngunit marami ang mawawala sa loob ng pagkakakulong na yan - trauma, oportunidad, integridad na nadungisan, pagkawalan ng kita habang nakakulong, pagod, oras na nasayang at gasto ng mga kapamilya sa paroot-parito sa pagbisita sa nakulong - sagutin man ng tagapagpatupad ng batas ang danyos perwisyos sa mga suspetsang di napatanuyan, hindi nito mababayaran ang trauma na inabot dahil mahabang proseso ito emotionally bago maalis ang bitterness at galit sa puso dahil ito'y nakaukit na sa kamalayan at puso. Kayong mga may-akda ng iminumungkahing batas na ito at inyong mga mahal sa buhay, kapag nagawan ng di makatarungan, 24 oras lang ba ay natatanggal na ang inyu-inyong mga poot, di ba pinoproseso din ng kalooban ninyo? Huwag tayong magpakaipokrito dito!
Taliwas sa sinabi ni Atty. Panelo, ang pagsalungat sa mga partikular na probisyon na potensiyal na ikakapahamak ng mamamayan kaysa ninyong mga nakaluklok diyan ay hindi po pag-demonize sa iminumungkahing batas. Kung tutuusin, mawalang galang na nga po kayo itong nag-de-demonize ng mamamayan dahil bukod sa mga nabanggit, biruin ninyo, may inisyatiba ba kayong isalin sa Filipino ang mungkahing batas na ito gayong alam ninyo naman na mas lamang ang mga Pilipinong di nakakaunawa ng English. Samakatwid lalo pa ninyong pinatinding di maunawaan ng taong-bayan ang inyong pangangatwiran sa usaping ito dahil sa paggamit ninyo ng "high falutin words" sa inyong artikulo sa Daily Tribune.
Kaya, bagama't hindi naman lahat dahil may mga nakaluklok naman sa poder at mga mayayaman ang mga makatao, sadyang tama ang tinuran ng Panginong Hesus: Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios. (Mateo 19:24)
Kung sa diskusyon nga sa kolehiyo patungkol sa isang paksa ay kinakailangang hingan ng propesor ang estudyante sa anumang vague na sinasabi ng estudyante na bigyan o gawing specific ang anumang vague na pahayag para mas lalong maunawaan ng mas nakararami, ano na lang sa usaping iminumungkahing batas na hindi tumbok kundi pinalalim, kung saan buhay, integridad, emosyon, ekonomiya at kalusugan ng makukulong ang nakataya?
Walang problema kung ang mungkahing-batas na ito ay hango sa United Nations standards, Australia, Singapore, Thailand, ngunit isaalang-alang din ang kapakanan at siguradong seguridad ng mamayan na hindi tukoy dahil sa sobrang lalim kaysa specific na ibinigay na depinisyon ng terorismo.
Tama na kulang sa intellectual insight ang mga di sumasang-ayon, dahil kami pong mga mahihirap, ay hindi lamang nakatuon sa intellectual insight dahil malamang sa hindi kapag utak lamang ang basehan ay mauuwi lamang ito sa pangatngatwiran kahit ng mga maling aspeto. Bagkus, bukod sa intellectual insight ay binibigyan po namin ng mataas at kaparehong importansya ang puso at konsensya ng bawat konsepto, para sa pagkalahatang, pangkomunidad, pampamilya at pamepersonal na benepisyo, kakuntentuhan at kapanatagan ng puso, isip at konsensiya.
References:
[1] Salvador Panelo, Fears, opposition to Anti-Terrorist Bill unfounded (1), JUNE 08, 2020, https://tribune.net.ph/index.php/2020/06/08/fears-opposition-to-anti-terrorist-bill-unfounded-1/
[2] CNN Phils, computing good conduct’: How time served in prison is shortened based on behavior, Published Aug 23, 2019 7:18:51 PM, https://cnnphilippines.com/news/2019/8/23/Antonio-Sanchez-RA-10592-good-conduct-time-allowance-prisoners.html
[3] Lian Buan, EXPLAINER: Comparing dangers in old law and anti-terror bill,Published: 9:28 AM June 5, 2020, Updated: 3:11 PM June 9, 2020, https://amp.rappler.com/newsbreak/in-depth/262912-explainer-comparison-old-law-dangers-anti-terror-bill
[4] Aika Rey, Teacher, son arrested without warrant in GenSan over Facebook post, Published: 8:31 AM March 28, 2020, Updated: 5:25 PM March 28, 2020, https://www.rappler.com/nation/256157-teacher-son-arrested-without-warrant-general-santos-city-facebook-post-coronavirus
[5] Solita Collas-Monsod, Impending reign of terror with Anti-Terror, https://opinion.inquirer.net/130516/impending-reign-of-terror-with-anti-terror-act/amp
No comments:
Post a Comment